Junart Kim S Nieva
Bagamat natutunan na sa mga paaralan, marapat lang na alalahanin natin ang ilang mahahalagang konsepto na patungkol sa wika, lalo pa’t narito tayo sa ibang bansa, at dagdag kaalaman para sa mga matagal nang naninirahandito sa Europa:
1. Ang wikang Tagalog ay Filipino, ngunit hindi lahat ng Filipino ay masasabing Tagalog. Kapag isinalin ang salitang ‘department’, ito ay kagawaran o departamento. Ang dalawang salitang ito ay parehong Filipino, ngunit ang ‘departamento’ ay hindi sa wikang Tagalog ngunit transliterasyon mula sa wikang Ingles.Isa pang halimbawa ay ang salitang ‘probinsya’, na sa Tagalog ay ‘lalawigan’. Malaking bahagi ang ginampanan ng wikang Tagalog bilang batayan ngunit tandaang may iba pang pursyento mula sa ibang pangunahing wika.
2. Nakasaad sa Artikulo 14 Seksiyon 6 at 7 ng 1987 Konstitusyon na ang pambansang wika at unang wika ng Pilipinas ay Filipino, at ang ikalawang wika naman ay Ingles. Mapapayaman ang wikang Filipino sa pamamagitan ng paglinang nito gamit ang mga umiiral na wika sa bansa at mula sa ibang mga bansa (mga hiram na salita, lalo na sa larangan ng agham at teknolohiya). Halimbawa ang salitang ‘kadyot’ na ang ibig sabihin ay ‘sandali lang’ sa wikang Cebuano ay tanggap na sa wikang Filipino. Ang salitang gaya ng ‘kutsara’ at ‘kutsilyo’ na ginagamit sa Filipino ay hango sa wikang Español, na ang mga orihinal na baybay ay ‘cuchara’ at ‘cuchillo’. Maaari ding mapagyaman ito sa pamamagitan ng paggawa o pagbuo ng mga bagong salita.
3. Tandaan, ang Ingles ay ikalawang wika natin; ito ay pagmamay-ari din ng Pilipinas. Sa panahon ngayon, hindi na dapat itinuturing ito ng mga Pilipino na wikang banyaga sapagkat ito nga ay pagmamay-ari din natin. Hindi dapat pag-awayin ang Filipino at Ingles. Bagkus, ituring silang magkapatid hindi dahil sa iisa ang pinanggalingang pamilya ng wika kundi dahil sila ang mga opisyal na linggwahe ng ating bansang Pilipinas, ayon sa batas. Ang wikang banyaga (foreign language) na maituturing ay mga wika na hindi laganap sa Pilipinas tulad ng French, German at Afrikaans.
4. Vernacular ang tawag sa wikang ginagamit sa isang particular na populasyon. Mother tongue naman o unang wika ang tawag sa wikang nakagisnan ng isang tao mula sa pagkamulat. Upang huwag mailto, narito ang isang halimbawa:
Si Juan ay ipinanganak sa Albay. Ang kanyang mga magulang ay doon na lumaki, bagamat sila ay galing sa Ilocos Sur. Sa kanilang tahanan, Bikolano ang wikang ginagamit. Nang madestino ang kanyang mga magulang sa Bulacan, lumipat silang mag-anak. Dito, Tagalog ang wika. Nanatili sila rito hanggang siya’y makapagtapos ng pag-aaral at makapag-asawa. Makalipas ang ilang buwan matapos ikasal, nagpunta sila sa Australia at doon na namuhay.
Makikita sa halimbawa na ang mother tongue o inang wika ni Juan ay Bikolano, sapagkat ito ang nakagisnan niyang wika. Walang kinalaman ang lahi ng mga magulang dito kundi ang kapaligiran. Nang mapunta sila sa Bulacan, natutunan niya ang Tagalog – vernacular na wika sa naturang lugar/probinsya, at ito ang kanyang ikalawang wika. Ang Bikolano ay nananatiling kanyang inang wika. Dahil sa paaralan, Ingles naman ang kanyang ikatlong wika. Nang manirahan sa Australia, hindi na kaiba o banyagang wika ang Ingles sapagkata natutunan na niya ito sa sariling bansa.
5. Kadalasan nating naririnig ang mga katagang, ‘Bakit ka nag-i-English? ‘Wag mo akong Ingles-in at Pilipino ka!’ Isa sa mga maling pananaw ay ang pagsasabi na ang mga Pilipino na gumagamit ng ibang wika ay walang pagmamahal sa sariling wika. Ito ay walang batayan at lohika, sapagkat sinuman ay maaaring gumamit ng anumang wikang naisin niya. Muli, ang Ingles ay pagmamay-ari din ng Pilipinas. Ang pagkaalam at pagkatuto ng ibang wika ay tanda ng pag-unlad.
6. Ang palit-koda (code-switching), na tumutukoy sa pagsasama-sama ng dalawa o mahigit pang makabuluhang pahayag na mula sa magkaibang wika at halong-koda (code-mixing), kung saan may nahahalo na salita na mula sa ibang wika ay normal at dapat nang tanggapin sa wikang Filipino. ‘Yun nga lang, ito ay dapat lang na mangyari kung walang direktang salin ang salita at kailangang manghiram. Madalas din itong maganap kung nagpapaliwanag. Ang madalas na paghahalong-koda kahit na may direktang salin ay hindi maganda at hindi sopistikado.
7. Ang wika ay pantay-pantay. Kung may nangingibabaw, hindi ibig sabihin na ito na ang pinakamataas na antas. Alalahanin natin ang ideyolohiya ng ating pambansang bayani na si Gat Jose Rizal patungkol sa kanyang iang wika – Tagalog – na siyang wika sa Laguna, na makikita sa kanyang isinulat na tula, ‘Sa Aking mga Kabata’:
“Ang wikang Tagalog, tulad din sa Latin
Sa Ingles, Kastila’t sa salitang Anghel,
Sapagkat ang Poong maalam tumingin
Ang siyang naggawad, nagbigay sa atin.
Ang salita nati’y tulad din sa iba na may alpabeto at sariling letra…”
Sa paggamit niya ng pagwawangis (simile) na salitang ‘tulad’, ipinahahayag nya na walang mataas o mababang wika sapagkat iisa lang ang pinanggalingan ng mga ito.Oo, Filipino ang ating pambansang wika; hindi ‘Pilipino’, at hindi rin ‘Tagalog’. Ito ay hinango mula sa iba’t ibang pangunahing wika ng Pilipinas at maging sa mga wikang hindi nagmula rito, partikular sa Español at Ingles. Sana ay matanggap na ng lahat ng Pilipino ang pagkakaroon natin nito, bilang pagpapatunay ng pagkakaisa.Kaya ano nga ba ang dapat isagot kapag tayo’y tinanong kung ano ang ating pambansang wika? Alam mo na ang isasagot.
(Bisitahin ang www.kwf.gov.ph para sa karagdagang kaalaman tungkol sa wikang Filipino. Ibahagi.)