Maraming libong lullaby..
Nick Tijam
Ungol ng isang sangol na galing sa isang sinapupunan na biniyak at iniluwal ng makabagong siyensiya. Iyak na may tunog ng takot at pag-aalinlangan, pero may kaakibat na tuwa at pag-asa.
Isang nilalang na tatawagin kong paslit, na ibinigay ng Diyos, at binuo sa isang romantikong hubad na sandali, para sa kalaunan ay nakatakdang hubugin ng isang paglalakbay, sa lupang ating kinagigiliwan.
Paghubog ng paslit sa kanyang paglalakbay na mag si- simula sa edukasyon…Edukasyon sa sariling tahanan, at apat na quadrado ng silid aralan, empleyo, kalye at sa hinaharap na pamumuhay. Araling walang sawang paulit-ulit na sikulo, pero ang iba ay bago at mala birhen na karanasan.
Ano nga ba ang mga aralin na kailangang matutunan ng paslit sa kanyang paglalakbay? Heto ba ay edukasyon ng agham, sining, panitikan, relihiyon? O hinde kaya aralin na aayun sa literal na buhay gaya ng pagmamahal at kasawian, lungkot at tuwa, tama at mali, pag tiwala at pag traydor, selos at magandang adhikain.
Katanungan na posibleng pwedeng sagutin ng isang betreranong manlalakbay, na kung medyo minalas baka hangang sa makabilang buhay ay bitbit pa rin ang mga katanungan. At kung nagka- ganuon, pwede siyang ihalintulad sa isang birhen na walang alam.
Marahil sa ngayon, ay pwedeng gumawa ng kongklusyon, para matapos na itong komposisyon. Posibleng hetong aralin ay kombinasyon ng ibat-ibang hibla ng tamis at pait ng buhay. Na dapat isabuhay ng maluwalhati at bukas pusong tangapin ang kasawian, kaligayahan, katalinuhan, kabobohan, kabaitan, katarantaduhan, at iba pang pagkakasalungatan na kahulugan sa araw-araw na pamuhay- muhay
Pero sa isang paslit na pa-simula pa lang maglakbay, para alayan ng komposisyon ay isang kasabikan at kasing aga ng bukang liway liway. Kaya sa ngayon, akoy mananalig na lang sa Poong Maykapal at maghihintay… at sa aking mahaba-habang pag hihintay aawitan ko na lang ng maraming libong lullaby..